Dalawa umanong big-time drug trafficker ang arestado sa buy-bust operation sa Imus City, Cavite.
Kinilala ng Cavite Provincial Police Office ang mga suspek na sina Asnihaya Mimbalawag at Naif Ampuan, kapwa 20- anyos at residente ng Marawi City.
Nasakote ng mga otoridad ang dalawang suspek sa isinagawang operasyon sa Barangay Pasong Buwaya 2 kung saan nasabat mula sa kanila ang mahigit dalawang milyong pisong halaga ng shabu.
Ayon sa Dangerous Drugs Board, kabilang sina Mimbalawag at Ampuan sa drug watch bilang high-value individual sa bansa.
Kapwa nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang tinutunton na ang source ng iligal na droga.