Inihayag ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, na kasama sa tinalakay ng Inter-Agency Task Force (IATF) kahapon, ang “Non-Obligatory” sa pagsusuot ng face mask sa Cebu City.
Ayon kay Vergeire, kanilang ipinatawag ang IATF upang tugunan ang panibagong Executive Order na inisyu ng Cebu City Government sa halip na relaxed mask mandate o ang hindi obligadong pagsusuot ng face mask sa mga open spaces.
Bukod pa dito, ginawa ang pagpupulong na may layuning magkaroon ng rekomendasyon mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hinggil sa naturang usapin.
Matatandaang noong Lunes, nilagdaan ni Cebu City Mayor Michael Rama ang EO No. 6, na nagdedeklara ng trial period ng “Non-Obligatory” na paggamit ng face mask sa pampublikong lugar mula Setyembre a-1 hanggang Disyembre a-31.
Sakali namang magkaroon ng muling pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, awtomatikong aalisin ang nasabi ng EO.
Samantala, muling iginiit ni Vergeire na ang face mask ay nakapagbibigay ng hanggang 80% proteksyon laban sa virus at iba pang uri ng sakit katulad ng respiratory infections kasama na dito ang Flu at Pneumonia.