Nagsampa na ng reklamo ang PNP-Anti-Kidnapping Group at kapatid ng isang Pharmaceutical Executive laban sa 11 indibidwal kaugnay sa pagkawala at pagpatay sa nasabing opisyal sa Taguig City.
Reklamong Kidnapping for Ransom, Murder at Arson ang inihain sa Department of Justice ng PNP-AKG at ni Alpha Seranilla, kapatid ng negosyante at Pharmaceutical Executive na si Eduardo Tolosa.
Batay sa imbestigasyon, bago mag-tanghali noong July 19 nang magtungo si Tolosa sa Tagaytay City kasama ang isang hindi pa nakikilalang indidbiwal.
Dakong hapon nang tawagan ng 50-anyos na biktima ang isa niyang empleyado at inutusan itong ihanda ang 102,700 dollars at 2,800 euro na cash mula sa kumpanya, mga mamahaling relos na rolex at hublot.
Sa nabanggit ding petsa huling nakita ang biktima sa Bonifacio Global City, Taguig City kung saan ini-abot sa kanya ng empleyado ang pera at mga relos subalit matapos nito ay hindi na siya natawagan.
Nakunan naman sa CCTV ang isang hindi nakilalang lalaki naman na nag-maneho ng SUV ng biktima sa C5-SLEX Southbound pero makalipas ang isang araw ay natagpuang sunog ang sasakyan sa Pampanga.
Isang Executive din sa kumpanya ni Tolosa ang nakatanggap ng text messages na humihingi ng P100 million ransom simula noong August 26 hanggang September 1.
Ayon sa PNP-AKG, dalawa sa mga respondent ang sumuko sa kanila noong August 8 at nagpahayag ng kahandaang magbahagi ng impormasyon.
Nakasaad sa complaint na apat pa umanong indibidwal ang nag-execute ng extra-judicial confessions na nagsasabing kabilang sila sa naglibing at nagsunog sa bangkay ni Tolosa.