Posibleng pumalo hanggang P400 ang kada kilo ng baboy ngayong ‘ber’ months o habang papalapit ang holiday season.
Ito, ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines (PROPORK), ay dahil sa bumababang supply dulot ng mga kaso ng african swine fever (ASF).
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture, tumaas sa P370 ang kada kilo ng baboy mula P355 kada kilo sa mga pamilihan sa Metro Manila, kumpara noong nakaraang linggo.
Inihayag ni PROPORK Vice President Nicanor Briones na marami ang tinamaan ng ASF sa northern Luzon at Mindanao habang mabilis ding ibinebenta ang mga baboy kahit kulang sa timbang.
Sa datos ng Bureau of Animal Industry, dumarami ang mga lugar sa bansa na isinasailalim sa red o infected zone simula noong Hunyo dahil sa nasabing sakit.
Muli namang nanawagan si Briones sa gobyerno na bilisan ang pamamahagi ng indemnification sa mga hog raiser na tinamaan ng ASFF upang mahikayat silang i-report kung tumama ang sakit sa kanilang lugar.