Inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na sang-ayon ang Pilipinas at China na magkaroon bilateral consultation para pag-usapan ang mga isyu hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Nabatid na natigil ng dalawang taon ang konsultasyon sa pagitan ng dalawang bansa bunsod narin ng pandemya.
Sa naging organizational meeting ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Manalo na nagkasundo na sila ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na muling magkaroon ng bilateral consultation mechanism sa WPS pero wala pang eksaktong petsa kung kailan ito isasagawa.
Matatandaang umabot sa 388 diplomatic protests ang naihain ng bansa laban sa China noong panahon ng administrasyong Duterte at 48 naman sa kasalukuyang administrasyon kasabay ng dalawang protest notes laban sa Vietnam.