Nagbabala ang Department of Health-Food and Drug Administration (DOH-FDA) laban sa bentahan ng hindi rehistradong Ivermectin capsules.
Sa inilabas na Advisory No. 1520-A Series of 2022, pinayuhan ng FDA ang publiko at health care professionals na huwag bilhin o gamitin ang Ivermectin (ivercureme) 15 milligram 10 capsule.
Base sa beripikasyon ng FDA post-marketing surveillance, ang nasabing ivermectin capsule ay hindi naisyuhan ng kinakailangang “authorization” o “certificate of product registration”.
Dahil dito, binigyang-diin ng FDA na hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan ng naturang gamot, na maaaring magdala ng potensyal na panganib sa kalusugan ng publiko.
Nagbabala naman ang DOH-FDA sa mga establisimyento na gumagawa o nagbebenta ng mga produktong hindi awtorisado o walang tamang dokumento.
Pinamo-monitor din ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at awtoridad ang bentahan ng hindi rehistradong produkto sa kani-kanilang nasasakupan.
Magugunitang may ilang grupo at mambabatas ang nagsulong ng ivermectin bilang gamot sa COVID-19, pero nilinaw ng DOH at FDA na hindi nila nirerekomenda ang ivermectin laban sa COVID-19 bagama’t patuloy ang pag-aaral dito.