Sang-ayon si Department of Transportation (DOTr) secretary Jaime Bautista na panatilihin ang pagsusuot ng facemask sa mga pampublikong transportasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga commuter laban sa Covid-19.
Ginawa ni Bautista ang pahayag matapos sabihin ng Department of Health (DOH), na dapat paring pagsuotin ng facemask ang mga mananakay ng public transportation kasunod narin ng mga isinusulong na hakbang para gawin nang boluntaryo ang mask wearing sa mga open spaces.
Ayon sa DOTr official, mananatili parin ang istriktong implementasyon ng mga health and safety protocols sa mga pampublikong sasakyan sa buong bansa sa ilalim ng new normal.
Kabilang aniya sa mga guidelines na patuloy na ipatutupad ang no talking or making phone calls; no eating; keeping public utility vehicles well ventilated; frequent disinfection; pagbabawal sa mga pasahero na may Covid-19 symptoms na makasakay sa anumang public transportation at mahigpit na pagtalima sa physical distancing.
Giit ni Bautista, nananatili parin ang virus kayat kailangan parin na maging maingat lalo na sa mga public areas, hanggang sa dumating ang araw na tuluyan nang mapagtagumpayan ng bansa ang laban kontra Covid-19.