Mariing binatikos ng lima sa pinakamalalaking transport groups sa bansa ang dayuhang information technology platform o IT provider ng Land Transportation Office na Land Transportation Management System (LTMS) dahil sa umano’y kapalpakan at kakulangan nito sa pagsasaayos ng proseso sa ahensya.
Ito’y matapos matuklasan ng mga grupong Pangkahalatang Sanggunian Manila at Suburbs Drivers Association (Pasang-Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na ang LTMS ay hindi konektado pa raw sa LTFRB.
Dahil dito, isiniwalat ng grupo na malayang makabibiyahe ang mga kolorum na mga public utility vehicles (PUV) dahil sa sinasabing walang kakayahan ang mga awtoridad na beripikahin ang prangkisa ng mga ito.
Malaki anila itong sampal sa kanilang grupo na sumusunod sa mga patakaran ng LTO at LTFRB na higit na naghihirap ngayon dahil sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Bukod dito, dismayado rin ang grupo sa umano’y usad-pagong na pagpoproseso ng lisensya at rehistro ng sasakyan sa dalawang ahensya dahil apektado rito ang kabuhayan ng mga tsuper.
Samantala, hinikayat naman ng mga transport groups ang mga mambabatas na simulan na ang imbestigasyon tungkol sa anila’y palpak na IT system ng dayuhang contractor ng LTO.