Inanunsiyo ng Department of Education (DEPED) na natapos na nila ang pagrepaso sa K to 12 curriculum at pinaplantsa na umano ang mga pagbabago rito na maaaring maipatupad sa loob ng tatlong taon.
Ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ang resulta ng review ay ipinakita sa management committee at executive committee bago ipakita sa national government at sa pribadong sektor.
Ayon kay Duterte, ang pagrepaso sa kurikulum ng grade 11 at 12 ay isinasagawa na at daraan sa kaparehong proseso.
Aniya, titipunin ng ahensya ang mga suhestyon at komento na gagamitin sa mga gagawing pagbabago sa kurikulum.
Samantala, sinabi naman ni Education Undersecretary Ernesto Gaviola na maaaring matapos ang bagong kurikulum para sa senior high school sa susunod na taon.