Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na patuloy na magsuot ng face mask sa labas at pati na rin sa mga open areas.
Ayon kay MMDA acting Chairman Engineer Carlo Dimayuga III, sa pagsusuot ng face mask, ay hindi lamang mapoprotektahan ang bawat isa laban sa COVID-19 kundi maging sa polusyon.
Partikular na hinimok ng opisyal na magsuot pa rin ng face mask ang mga hindi pa fully vaccinated, immunocompromised at mga senior citizen.
Samantala, kasunod ng nilagdaang Executive Order no. 3 ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na pinayagan na ang boluntaryong paggamit ng face mask sa mga outdoor setting ay naglabas ang ahensiya ng memorandum para sa lahat ng mga empleyado nito na patuloy pa ring magsuot ng face mask sa labas lalo na ang mga field personnel nito.