Nanganganib maapektuhan ang presyo ng mga produkto sa pagbagal ng pag-di-diskarga ng mga container mula sa mga barko at pagbiyahe ng mga kargamento bunsod ng port congestion sa Maynila.
Ito ang ibinabala ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP).
Ayon kay CTAP President Mary Zapata, ang dagdag gastos sa logistics ay maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto, lalo ngayong nalalapit nang mag-pasko.
Halos 27% anya ng presyo ng mga produktong dumarating sa consumers ay dumaraan sa clearance, documents at ibang fees sa pagpo-proseso ng mga kargamento.
Idinagdag ni Zapata na sa katunayan ang Pilipinas ang may pinaka-mataas na logistics cost sa asya.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema sa mga pantalan, magdi-diskarga ang isang barko ng container vans upang i-imbak sa mga yarda at kukunin ang mga ito ng truckers upang ibyahe patungo sa destinasyon.
Ibinabalik naman ang walang lamang container vans sa yarda upang kunin ulit ng mga barko pero mas tumagal ng ilang araw bago i-diskarga ang containers na naglalaman ng mga produkto kaya’t dalawang beses na lamang bumibyahe kada linggo ang truckers sa halip na apat na beses.
Kailangan ding mabayad sa shipping line ng 1,000 pesos na “detention fee” sa empty container vans kada araw bukod pa sa 100,000 na ipinapataw ng shipping liners kumpara sa dating billing na 20,000 hanggang 30,000 pesos.