Tutol ang isang grupo ng mga magsasaka sa plano ng gobyernong mag-angkat ng 150,000 metric tons ng asukal upang matugunan ang kakulangan sa supply at maibsan ang mataas na presyo nito.
Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Emeritus at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, magsasabay ang pag-aangkat ng asukal sa milling season na nagsimula ngayon lamang buwan.
Wala anyang dahilan para mag-issue pa ng Sugar Order 2 sa pag-angkat ng 150,000 metric tons, lalo kung inaasahang darating ito sa Nobyembre.
Ipinunto ni Mariano na operational na ang karamihan ng mga sugar mill at sapat na ang locally produced na asukal sa kailangang supply ng bansa.
Naniniwala ang dating kalihim na wala namang magiging epekto sa presyo sa merkado ang aangkating asukal.
Samantala, pinuna rin ng grupo ni Mariano ang kawalan ng sugar inventory ng gobyerno.