Dinampot ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang armadong Chinese at ang kanyang Pilipinang kasama habang nagsasagawa umano ng panininiktik sa potensyal na kidnap victim sa loob ng Clark Freeport zone sa Mabalacat City, Pampanga.
Kinilala ni CIDG Director Police Brigadier General Ronald Lee ang mga suspek na sina Xiong Gang, 35 taong gulang, at Nete Joy Gallenero Juanico, 28 taong gulang.
Nakuha mula sa dalawa ang isang 9mm pistol na may silencer at may mga bala, isang black airsoft pistol, at posas.
Sinita ng mga tauhan ng Clark Development Corporation Police ang dalawa habang nakasakay ng isang kotse at umaaligid sa tapat ng Clark Hills Village.
Pinuri naman ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang pagtutulungan ng pulisya at komunidad sa pagmo-monitor sa mga dayuhan na posibleng sangkot sa POGO-related crimes at iba pang krimen.