Pinayagan na ng Social Security System (SSS) ang isang taon o isang bagsakang bayad ng kontribusyon ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang informal sector workers.
Ayon sa SSS, “seasonal” lamang o hindi regular ang malakihang kita ng mga nasabing manggagawa kaya’t niluwagan ang polisiya.
Batay sa datos ng ahensya, mahigit siyam na milyon ang manggagawa sa Agriculture sector bukod pa ito sa libu-libong nasa informal sector na karamiha’y hindi regular ang kita, ani, huli at benta.
Ipinaliwanag ni SSS president at CEO Michael Regino na sa ilalim ng patakaran, maaaring bayaran ng mga mangingisda, magsasaka o mga tindero ang buong isang taon na hindi nababayarang kontribusyon kapag kumita nang malaki.
Nanawagan naman si Regino sa mga Local Government Unit na tulungan ang kanilang job order workers sa pamamagitan ng pagbibigay subsidiya sa kanilang statutory benefits, tulad ng SSS.
Kahit anya mga land-based OFW at Job Order Worker sa pamahalaan ay target din anyang gawing self-employed member sa hiwalay pang programa ng nasabing government owned and controlled corporation.
Aabot sa 40 milyon ang miyembro ng SSS pero lagpas 14 na milyon lang ang aktibong nagbabayad ng kontribusyon.