Isinusulong ni Cebu City Rep. Eduardo Roa Rama sa Kamara ang House Bill 4607 na layong magtayo ng dengue virus testing at screening center sa bawat siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
Ilalagay ang nasabing testing centers sa mga pampublikong ospital bilang pangunahing laboratoryo para matukoy ang dengue virus.
Ito aniya ay upang maagang masuri ang dengue sa pamamagitan ng clinical examination kasama ang simple at mabilis na diagnostic tool na ibibigay ng libre sa pasyente.
Iginiit pa ni Rama na napatunayan na ang mahalagang papel ng mga community-based testing sa pag-iwas at pagkontrol sa iba’t ibang sakit, na malaki ang naitutulong sa pagtatala at pag-uulat ng mga kaso.