Patuloy na binabantayan ng PAGASA weather bureau ang dalawang sama ng panahon na namataan sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Daniel James Villamil, isang Low Pressure Area (LPA) ang namataan sa loob ng PAR sa layong 1,200 kilometers silangan ng Central Luzon pero maliit ang tiyansa nito na maging isang bagyo sa susunod na 24 hanggang 48 hours.
Patuloy paring umiiral ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon habang minomonitor din ng PAGASA ang namuong tropical depression sa labas ng PAR na namataan sa layong 1,915 kilometers silangan ng extreme Northern Luzon.
Ang naturang bagyo ay may lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong aabot naman sa 55 kilometers per hour at kasalukuyang kumikilos pahilaga-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Patuloy namang nagpapaalala sa publiko ang PAGASA na doblehin ang pag-iingat at panatilihin ang pagiging alerto at pagdadala ng payong para sa biglaang pagbuhos ng ulan at matinding sikat ng araw.