Sumuko sa mga awtoridad ang sampung miyembro ng New People’s Army sa Quezon City.
Ayon kay National Capital Region Police Office director Brig. Gen. Jonnel Estomo, isinuko rin ng mga dating rebelde ang kanilang mga armas sa isinagawang seremonya sa Barangay Payatas.
Kabilang sa mga sumurender sina alyas Roger, Primero, Velyn, Darrio, Bunso, Beng, Jomari, Junjun, Janjan at Roy na nataon pa sa paggunita ng bansa sa ika-limampung taong anibersaryo ng deklarasyon ng martial law.
Lumagda rin ang mga ito ng ‘oath of allegiance’ sa gobyerno.
Si Alyas Jomari ay kilalag nasa hanay ng special partisan unit ng NPA na sinasabing ‘in charge’ sa paglikida ng mga opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Gen. Estomo na ang pagsuko ng mga rebelde ay maituturing na accomplishment ng gobyerno sa hangarin nitong masugpo ang mga terorista sa Pilipinas.