Nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang senador sa gitna ng usapin ng kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa.
Kasunod ito ng paglutang ng mga bagong dokumento na sumusuporta umano sa alegasyon ng nasabing isyu.
Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestiyon ni Senator Risa Hontiveros ang report sa kakulangan ng suplay ng asukal batay narin sa datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ikinabahala naman ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ito ay dahil sa limitadong suplay ng asukal at pagtaas ng presyo ng refined sugar kung saan, tinukoy ng Senadora ang ipinadalang liham ni dating NEDA chief Karl Kendrick Chua kay dating Finance secretary Carlos Dominguez bilang tugon sa komento sa concern ng COCA-COLA sa supply gap na 116,000 metric tons ng asukal.
Agad naman itong sinagot ni Senator Francis Tolentino at iginiit na hindi niya alam ang liham na tinutukoy ni Hontiveros at hindi ito bahagi ng Committee report.
Dagdag pa ni Tolentino, hindi din ito natalakay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Sugar Order no. 4 para sa importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal.
Sa kabila nito, tiwala si Hontiveros na lalabas ang katotohanan sa kontrobersyal na usapin ng sugar shortage sa bansa.