Hinikayat ni Senator Pia Cayetano ang mga kapwa senador na busisiin ang pag-oobliga sa mga OFW na magsuot ng Personal Protective Equipment o PPEs kasama pa ang face shields, gloves at footsies habang naghihintay ng kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Cayetano, mistulang panahon na naman ng kasagsagan ng COVID- 19.
Binigyang diin ng senadora na wala namang pagkakaiba ang pagsusuot ng regular na sapatos at footsies.
Nais matukoy ng mambabatas kung requirement sa mga OFW ang pagsusuot ng kumpletong PPE.
Nangako anya si Department of Migrant Workers Secretary Toots Ople na aalamin ang bagay na ito.
Ipinabatid naman ni Senator Joel Villanueva, maituturing itong diskriminasyon sa mga OFW at dapat mapatigil at kung mayroong nagkamali ay dapat na papanagutin.
Ipinaalala ni Villanueva na bahagi ng pagbangon ng ekonomiya ang pagsisikap ng mga OFW kaya hindi anya dapat dagdagan ang kanilang paghihirap. - sa ulat ni Cely Ortega-Bueno ( Patrol 19)