Inalok ni Senador Imee Marcos ng total amnesty ang mga rebelde at makakaliwang grupo na naglunsad noon ng kudeta laban sa administrasyon ng amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ito’y matapos humingi ng paumanhin sa kanya ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front sa paggunita sa 50th Anniversary ng deklarasyon ng Martial Law noong Martes.
Aminado ang nakababatang Marcos na ginawa nito ang nasabing hakbang dahil matagal na niyang gustong makawala sa panahon na ang kanilang pangalan ay pilit umanong sinisira ng salitang batas militar.
Ang alok ng Senador ay ginawa kahit hindi pa man natatalakay sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kasalukuyang nasa Estados Unidos.
Kampante naman ang mambabatas na makukumbinsi niya si PBBM sa pagkakaloob ng total amnesty sa mga dating nag-aklas laban sa kanilang ama dahil kahit noong buhay pa anya ito ay nagbigay din noon ng amnestiya. —ulat mula kay Cely O. Bueno (Patrol 19)