Matagumpay ang anim na araw na working visit ni Pang. Ferdinand marcos jr., sa Estados Unidos.
Sa isang media interview sa New York, sinabi ni Pang. Marcos na kuntento rin sya sa resulta ng mga ginampanang tungkulin ng kanyang delegasyon.
Matatandaan na kabilang sa mga naging aktibidad ng Pangulo sa Amerika, ang pagdalo at pabibigay ng talumpati sa United Nations General Assembly (UNGA), pakikipagpulong sa mga kilalang personalidad at ibat-ibang lider sa mundo, partikular na ang pakikipag-usap kay US president Joe Biden.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Punong Ehekutibo na magsalita at hikayatin ang mga foreign investor doon na mamuhunan sa Pilipinas.
Magugunita na sa unang araw pa lamang ng chief executive sa estados unidos, agad itong nagtungo sa New Jersey upang harapin at magpasalamat sa filipino community na sumuporta at nagtiwala sa kanya noong nagdaang eleksyon.
Ayon kay Pang. Marcos, masaya syang iulat na napakapositibo ng ipinapakitang suporta sa Pilipinas ni US Pres. Biden at ng ating mga kaibigan sa Amerika.
Kaya naman ikinukonsidera ng Punong Ehekutibo na matagumpay ang kanyang working visit sa US at satisfied sya sa lahat ng kanilang ginawa doon.
Napakaganda rin ani PBBM ng naging response sa kanyang panawagan na pagkakaisa para sa mga miyembro ng unga.
Binanggit rin ni Pang. Marcos sa kanyang naging speech sa event na ito ang ilang mahahalagang usapin gaya ng climate change, food security, at ang hangarin ng kanyang gobyerno na makamit ng pilipinas ang upper middle-income status sa susunod na taon.