Nakarating na ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang anim na araw na working visit sa New York, America.
Kasamang bumalik ng bansa ni Pangulong Marcos ang kaniyang mga gabinete bago pa man maglandfall ang bagyong karding sa bahagi ng Luzon partikular na sa Metro Manila.
Ibinahagi ng Pangulo ang kaniyang naging pagharap sa United Nations General Assembly (UN-GA) maging ang kaniyang pakikipag-pulong kay UN Secretary General Antonio Guterres, at iba pang international leaders maging ng mga investor.
Sa naturang pagpupulong, ipinakita din ni PBBM ang kaniyang interes pagdating sa pagpapalawak ng UN peace keeping operations partikular na ang mga lugar sa Middle East at North Africa kung saan madalas nagtatrabaho ang nasa mahigit 2.2 million Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang peace keeping operations ay isang joint effort ng mga miyembrong bansa ng UN na tumutulong sa mga bansang may sigalot upang mapanatili at mapalakas ang seguridad ng bansa at layunin din nitong maprotektahan ang mga sibilyan.