Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na walang kaugnayan sa pananalasa ng Bagyong Karding ang isang napaulat na nasawi sa Bataan.
Dahil dito, sinabi ng NDRRMC na nananatili sa walo ang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa pananalasa ng bagyo.
Kabilang sa mga kumpirmadong nasawi dahil sa bagyo ang limang rescuers sa San Miguel, Bulacan; dalawa sa Zambales; at isa sa Quezon, na patuloy pang bineberipika.
Tatlo katao naman ang napaulat na nawawala dahil sa bagyo na nagmula sa Mercedes, Camarines Norte.
Batay pa sa ulat ng NDRRMC, aabot sa 60,817 indibidwal o 16,476 pamilya ang naapektuhan ng naturang bagyo mula sa 948 barangay sa Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Cordillera Administrative Region.
Sa nasabing bilang, 46,008 na mga indibidwal o 12,352 pamilya ang nananatili sa 976 evacuation centers habang nasa 5,803 katao o 1,648 pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.
Sinabi pa ng NDRRMC na nasa 1,625,862 pesos na halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga naaapektuhan ng bagyo sa Cagayan, Central Luzon, Bicol, at Cordillera.
Samantala, aabot naman sa 3 milyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura na naitala sa MIMAROPA habang sumampa naman sa 1.525 million pesos ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Cordillera. –-sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)