Nasagip ng mga awtoridad ang 24 Asian women na kinabibilangan ng 16 Vietnamese at 8 Chinese habang dalawang lalaking Tsino naman ang nasakote sa operasyon sa Barangay Tambo, Paranaque City.
Ayon kay PNP Officer in-Charge, Police Lieutenant General Jose Chiquito Malayo, ikinasa ang rescue operation dahil sa natanggap na intelligence report ng mga pulis ukol sa isang grupo ng mga kababaihan na nasa tatlong yunit ng Casiana Residences sa Quirino Ave.
Sa naman tulong ng Southern Police District (SPD), Parañaque City Police Station, Barangay Women Desk Officer (BWDO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay matagumpay na nasagip ang mga biktima habang nahuli naman ang sinasabing bantay ng mga ito na dalawang Tsino.
“Sa ilalim ng ating MKK=K peace and security framework ay sisiguraduhin nating hindi magtatagumpay ang sinumang magbabalak ng masama, mang-abuso ng kapwa o maging banta sa seguridad ng ating bansa”, wika ni Malayo.
Agad na dinala ang mga babae na hinihinalang biktima ng human trafficking sa Women and Children Protection Center ng Parañaque PNP para sa kaukulang imbestigasyon.