Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nananatili sa walo ang bilang ng mga nasawi bunsod ng pananalasa ng bagyong Karding sa Luzon.
Kasunod ito ng report sa kanilang operations center na may isang nasawi sa Bataan dahil kay Typhoon Karding.
Ayon sa NDRRMC, zero casualty ang lalawigan ng Bataan at patuloy pa nilang bineberipika ang napaulat na nasawi.
Sa ngayon, walo ang opisyal na bilang ng mga nasawi sa bagyo kabilang na ang 1 sa Quezon; 2 sa Zambales; at limang rescuer na nasawi naman sa gitna ng kanilang operasyon sa San Miguel, Bulacan.