Nabahala ang isang infectious diseases expert sa desisyon ng gobyernong payagan ang mga nakatayong pasahero na sakay ng mga Public Utility Vehicles o PUVS.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, na Vice-President din ng Philippine College of Physicians, magdudulot ng hawaan ng COVID-19 ang maliit na distansiya ng mga pasahero, lalo’t nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
Iginiit naman ni Solante ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask sa ganitong sitwasyon.
Nabatid na sa memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, papayagan ng hanggang 15 ang bilang ng mga pasaherong nakatayo sa loob ng bus, 10 sa coach-type PUBS at 5 sa modern public utility jeepneys.
Sinumang hindi sumunod sa direktiba ay papatawan ng multang alinsunod sa joint administrative order no. 2014-01.