Dagsa pa rin ang mga nagkukumahog na PUV operator sa mga tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang kumuha ng fare matrix, matapos ang unang araw ng implementasyon ng dagdag-pasahe.
Ang fare matrix o taripa ay requirement ng LTFRB para sa mga PUV bago maningil ng sobrang-pasahe sa mga mananakay.
Gayunman, 10% lamang ng 260,000 units sa buong bansa ang nakakuha ng taripa.
Hindi naman basta-basta ang pagkuha ng fare matrix para sa mga operator dahil kailangan nilang maghanda ng Official Certificate of Certificate of Registration;
Kopya ng Provisional Authority o Certificate of Public Convenience o (CPC), patunay na dumaan sa verification process ang CPC at lahat ng ito ay isasagawa sa mga tanggapan ng LTFRB.
Nanindigan si LTFRB chairperson Cheloy Garafil na mahigpit sila sa requirement bilang proteksyon sa mga pasahero at upang matiyak na hindi colorum ang mag-o-operate sa kalsada.
Noon pa anyang Setyembre nila inabisuhan ang mga operator na kumuha na ng fare matrix o bago pa man ipatupad ang fare increase at nagbukas na rin ng tanggapan tuwing Sabado upang ma-accommodate ang mga naghahabol na operator.