Hinamon ni Senador Jinggoy Estrada ang Bureau of Immigration na tiyaking idedeport ang mahigit 48K POGO workers na kinansela ang Visa.
Ayon kay Estrada, ang aksyon ng B.I. laban sa Illegal POGO workers ay tumutugon din sa kanyang panawagang magsagawa ng crackdown laban sa Illegal o Unlicensed Offshore Gaming Operators sa bansa.
Binigyang-diin ng Senador na walang nakukuhang economic gains ang gobyerno sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga hindi lisensyadong POGO at kanilang mga manggagawa.
Hindi rin anya patas sa 34 na PAGCOR-approved POGOs at kanilang mga empleyado na nagbabayad ng 5% gross gaming revenue at 25% Withholding Tax sa gross income kung hahayaang manatili sa bansa ang mga Illegal POGOs.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang kanselasyon sa lisensya ng mga POGO ay mangangahulugan din ng kanselasyon ng Visa ng mga worker nito kaya wala nang dahilan para manatili sila sa bansa.
Ipinunto ni Estrada na sa loob ng 59 na araw ay dapat ipadeport na ang Illegal Aliens at hindi na dapat hayaan ang anumang iligal na transaksyon para manatili o magtagal sa bansa. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)