Isinusulong ni Albay Rep. Edcel Lagman na alisin na sa ilalim ng panukalang P5.268-T na 2023 National Budget ang mga aniya’y sobra at hindi kailangang confidential at intelligence funds na nakapaloob sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na aabot sa P9.29-B.
Ito’y dahil aniya sa posibilidad na magamit ang nasabing pondo sa katiwalian.
Partikular na binaggit ni Lagman ang aniya’y hindi makatwirang P500-M na confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) at P150-M para sa Department of Education na aniya kapwa nasa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Giit nito ang OVP ay hindi surveillance agency at walang hurisdisksyon sa pambansang seguridad.
Binanggit ni Lagman ang nasabing pahayag habang pinag-iisipan ng mga miyembro ng House Panel ang mga iminungkahing pagbabago sa House Bill No. 4488 o ang 2023 General Appropriations Bill na inaprubahan ng kamara nitong nakaraang linggo. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)