Patay ang isang construction worker habang sugatan naman ang 10 iba pa matapos bumagsak ang isang scaffolding sa isang construction site sa Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) La Loma Station ang nasawi na si Francis Tulagan Anzures, 45 anyos at residente ng Barangay Baesa, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, dakong alas-nueve ng umaga kanina nang bigla na lang bumagsak ang scaffolding na dumagan sa 11 biktima.
Partikular itong naganap sa isang housing project sa Sto. Cristo Street, Barangay Balingasa.
Agad namang isinugod sa ospital ang mga biktima na kinabibilangan ng siyam na construction workers at isang foreman pero idineklara nang dead-on-arrival si Anzures.
Dahil sa trahedya, itinigil muna ang konstruksiyon habang patuloy na iniimbestigahan ang nangyari.