Malaki pa rin ang ginagastos ng mga Filipino sa pagpapa-ospital kahit mayroong expanded healthcare sa ilalim ng universal health care o UHC Law.
Inamin ito ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa hearing ng Senate Committee on Government Corporations, kahapon.
Sa katunayan, ayon kay PhilHealth Officer-In-Charge Eli Dino Santos, ay 34% ng hospital bill ay mula mismo sa sariling bulsa ng mga pinoy batay sa isinagawang pag-aaral ng nasabing health insurer noong 2019.
Nangangahulugan anya ito na sa bawat pisong gastos ay trenta’y kwatro sentimos ang out-of-pocket expense.
Mayroon ding pag-aaral ang Philippine National Health accounts ng Philippine Statistics Authority na 44.7% ng hospital bill ay mula sa bulsa ng mga pasyente.
Dahil dito, umaasa si Senator Joel Villanueva na babalangkas ng mekanismo ang PhilHealth upang mapababa ang out-of-pocket hospital expenses ng mga pinoy.
Gayunman, inihayag ni Senator Alan Peter Cayetano, chairman ng kumite, na base sa OCTA Research survey, 57% ang hindi mga miyembro ng PhilHealth.
Idinagdag ni Cayetano na sa katunayan ay mas maraming mayaman at may-kayang pasyente ang gumagamit ng PhilHealth benefits kumpara sa mga indigent, dahil hindi alam ng mga mahirap na otomatikong miyembro sila ng PhilHealth.