Nakakuha ng mataas na approval rating ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagtugon sa mga pangunahing isyu sa bansa.
Sa ulat ng bayan survey na ginawa ng pulse asia noong September 17 hanggang 21 na nilahukan ng 1,200 respondents na inilabas ngayong araw, lumabas na 11 sa 13 isyu sa Pilipinas ang maayos na napangasiwaan ng administrasyong Marcos.
Pinakamataas dito ang pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga lugar na nasalanta ng bagyo na nakakuha ng 78% approval at 3 % disapproval.
78% approval naman ang nakuha ng administrasyon sa pagkontrol sa COVID-19 pandemic; 68 % sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga ofws; 69 % sa pagpapanatili ng kapayapaan; 67 % sa paglaban sa krimen; at 62 % sa pagpapatupad ng batas.
Sa pagbuo naman ng trabaho sa mga Pilipino, nakakuha ang administrasyon ng 59 % approval; 59 % din sa pagtaas ng sahod; 58 % sa paglaban sa graft and corruption; 57 % sa pagprotekta sa kapaligiran at 52 % sa pagtatanggol sa integridad ng teritoryo ng bansa.
Samantala, 42 % disapproval naman ang nakuha ng administrasyong marcos sa pagkontrol sa inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at 35 % sa kahirapan.