Inilunsad na ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang programa na layong isulong ang isang ‘whole-of-nation approach’ upang mapuksa ang ipinagbabawal na droga sa bansa.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos Jr., ang kampanya na tinaguriang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) Program ay nakalinya sa hangarin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga na naaayon sa batas at nakatuon sa rehabilitasyon at socio-economic development.
Kasabay nito, nanawagan din si Abalos sa lahat ng ahensya ng gobyerno, simbahan, eskwelahan, kabataan, at pribadong organisasyon na makiisa sa laban ng gobyerno kontra droga.