Arestado ang isang babae matapos magnakaw ng mga gadget sa isang paaralan sa Dagupan City.
Kinilala ang suspek na si Jenny Aguila, 34-anyos na nagnakaw ng 10 tablets at pitong charger na inisyu sa nasabing paaralan noong june 24, 2022.
Ayon kay Police Col. Jeff Fanged, Officer in Charge ng Pangasinan Police Provincial Office, nagsampa ng reklamo laban sa suspek si Jimmy De Guzman Cancio, Principal ng Pantal Elementary School sa nabanggit na lugar.
Batay sa imbestigasyon, nadiskubre ng isang administrative officer na nawawala ang mga inilabas na tablet na nakatabi sa Principal’s Office.
Dito na inireport ng naturang opisyal ang insidente kung saan, agad na umamin ang suspek na siya ang responsable sa pagkawala ng mga tablet kung saan, ibinenta niya ang mga ito sa halagang P500.00 hanggang P1,000.00.
Napag-alaman din na ang suspek ang kalive-in partner ng school utility worker na si Jeffrey Garcia, na kapwa nakatira sa isang pasilidad ng nasabing paaralan.
Hawak na ngayon ng mga otoridad ang suspek at nahaharap sa kasong pagnanakaw.