Nailibing na ang tatlong Abu Sayyaf detainees na nagtangkang tumakas mula sa PNP-Custodial Center sa Kampo Crame.
Dinala ang mga labi nina Idang Susukan, Feliciano Sulayao Jr., at Ariel Cabintoy sa Blue Mosque and Cultural Center sa Maharlika Village, Taguig City upang ihimlay alinsunod sa tradisyon ng Islam.
Ayon sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF-NCR), pawang Balik Islam ang tatlong ASG member.
Una nang hiniling ni PNP chaplain, Pastoral Outreach Division chief, Col. Zainalabiden Ismael ang tulong ni NCMF-NCR Regional Director Adzhar Albani upang mailibing ang mga nasabing bilanggo sa Taguig.
Nahaharap ang tatlo sa patung-patong na kaso ng Murder, Kidnapping, Arson at Illegal Firearms Possession sa Mindanao, partikular sa Sulu at Zamboanga del Norte.
Sina Susukan at Cabintoy ang unang pinagbabaril matapos pagsasaksakin ang isang pulis na maghahatid ng almusal sa loob ng Custodial Center noong linggo napatay si Sulayao makaraang i-hostage si dating Senador Leila De Lima.