Pinaghahanap na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagkakakilanlan ng drayber na napaulat na nag-overcharge sa lead singer ng K-Pop group na Seventeen.
Kinumpirma ito ni MIAA Spokesperson Connie Bungag kung saan alam nila aniya ang viral post ng singer na si Joshua Jisoo Hong, na nagsasabing siya at ang kaniyang ina ay siningil ng malaki ng isang taxi drayber pagkarating sa Manila.
Nagsasagawa na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng parallel investigation upang makilala ang drayber at kompanya ng taxi para sa posibleng pagbawi ng prangkisa at pagkansela ng lisensya ng nasabing tsuper.
Samantala, sinabi ni Bungag na nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Immigration para alamin kung anong flight ang kinuha ni Hong at ng kaniyang ina nang dumating sila sa Manila sa pagitan ng September 8 hanggang 10, 2022. —sa ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)