Dapat obligahin ang mga kontratista ng public works projects na kumuha ng liability insurance at pagbawalan na mag-subcontract.
Ito ang iginiit ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Tulfo kapag may nadidisgrasya sa mga ginagawang kalsada, hirap na hirap na kumuha ng danyos ang mga biktima dahil dumaraan pa sa barangay, mayor at DPWH at sa huli, kakarampot ang nakukuha kung mayroon man.
Inihalimbawa pa ng senador ang isang motorista na namatay sa isang construction project pero inalok lang ng 20,000 pesos na napakaliit na halaga.
Dapat na ring matigil ayon sa mambabatas ang gawain ng malalaki at lisensyadong kontratista na matapos manalo sa bidding, kumukuha na ng sub-contractor na kumukuha pa rin ng ibang sub-contractor.
Dahil dito nagiging fixer lang anya ang mga lisensyadong kontratista kaya’t nangungumisyon na lang sila at maliit na lamang na pera ang naiiwan para sa proyekto na nagreresulta sa kalsadang manipis at mabilis masira.
Bagaman sinang-ayunan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan si Tulfo sa pagbabawal sa sub-contracting, aminado ang kalihim na kailangan munang amyendahan ang Government Procurement Act na nagpapahintulot dito. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)