Nasakote ng awtoridad ang tatlong lalaki na wanted sa kasong rape sa magkakahiwalay na operasyon sa rehiyon ng Mimaropa.
Kinilala ni Police Regional Office 4B chief Brig. Gen. Sidney Hernia ang mga nadakip na sina Epelimenico Flores Diaz, Rodel Dion Alcain at Allan Mangao Gacute.
Si Diaz ay matagal nang tinutugis ng batas dahil sa tatlong counts ng kasong rape sa Brooke’s Point Palawan Regional Trial Court Branch 165.
Apat na counts naman ng kasong rape din ang kinakaharap ni Alcain sa Marikina City RTC Branch 192.
Samantala, kasong panghahalay din ang nakahain laban kay Gacute sa Culasi, Antique RTC Branch 13.
Batay sa datos ng Regional Investigation and Management Division ng Mimaropa Police, aabot na sa 431 wanted persons ang nahuli nito mula noong Enero ngayong taon.