Sinimulan na ng World Health Organization(WHO) emergency committee on COVID-19 ang deliberasyon kung kailangan pa ring isailalim sa highest alert level ang COVID-19 pandemic.
Sinabi ni WHO director-general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus na wala pa sa mabuting sitwasyon para wakasan ang COVID-19 bilang global health emergency.
Sa kasalukuyan, ang COVID ay itinuturing ng WHO bilang public health emergency of international concern, na siyang pinakamataas na alert level ng naturang virus.
Pero sa ngayon, sinabi ni Ghebreyesus na bumababa na ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19.
Bukod aniya rito, malaking bahagi na ng populasyon sa mundo ang naturukan ng primary doses ng COVID-19 vaccine.
Sa kabila nito, aminado ang WHO na hindi pa tapos ang laban kontra sa nasabing sakit dahil nananatili pa rin ang banta nito at hindi na rin kasing tindi ang pagbabantay at testing sa mga naitatalang kaso ng COVID-19.