Binigyang diin ni Manila Mayor Honey Lacuna na hanggang October 25 na lamang ang paglilinis at pagsasaayos sa Manila North at South Cemetery at hindi na ito palalawigin pa.
Kaugnay nito, hindi papayagan ang pagdadala ng anumang gamit na panlinis sa mismong araw ng Undas.
Nabatid na nauna na ring inanunsyo nina Manila North Cemetery director Yayay Castaneda at South Cemetery head Jonathan Garzo na ang petsa ng libing ay pansamantalang suspendido mula October 28 hanggang November 2 at muli itong ibabalik sa November 3.
Habang ayon naman kay Lacuna, dahil ito sa inaasahang pagdagsa ng mga magtutungo sa mga nasabing sementeryo.
Gayunman, tuloy pa rin naman aniya ang cremation ngunit para lamang ito sa mga namatay dahil sa Covid-19.