Nagprotesta sa harap ng Department of Justice (DOJ) ang may mahigit 100 mamamahayag na miyembro ng National Press Club (NPC).
Ito ay para ipanawagan ang hustisya sa mga biktima ng Maguindanao massacre kasabay ng ika-anim na anibersaryo ng naturang karumaldumal na krimen ngayong araw.
Ayon sa NPC, mailap pa rin ang hustisya sa mga biktima ng masaker na kinabibilangan ng mahigit 30 mamamahayag.
Umapela ang NPC sa DOJ na papanagutin na sa batas ang mga taong responsible sa krimen at huwag gayahin ang Pangulong Noynoy Aquino na puro kasinungalingan o pangakong pulitiko lamang ang ibinibigay sa mga naulila ng mga nasawing biktima ng Maguindanao massacre.
***
Samantala, umaasa naman ang mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre na makakamtan pa rin nila ang hustisya sa ilalim ng Aquino administration.
Ito, ayon kay Maguindanao Governor Toto Mangudadatu, sa kabila ng inabot na ng anim na taon ang takbo ng kaso.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Mangudadatu na nauunawaan n naman nila si Pangulong Noynoy Aquino lalo’t hindi rin naman umano inaasahan nito na ganoon kadami ang mga testigo at nade-delay ang kaso sa hukuman.
Giit ni Mangudadatu, umaasa pa rin sila na bago matapos ang termino ng Pangulo ay makakamtan nila ang katarungan sa sinapit ng mga biktima.
“Ilang taon na yun pero alam naman po din niya, nitong bagong nagkita kami hindi ko na rin binanggit dahil tulad ng sinabi ko ako po’y nakakaintindi sa mga takbo ng mga ano at laging uma-attend ng hearing.” Pahayag ni Mangudadatu.
By Ralph Obina | Bert Mozo (Patrol 3) | Jelbert Perdez | Ratsada Balita