Planong iapela ng grupo ng transportasyon ang dagdag-singil sa pasahe tuwing rush hour, matapos ang muling taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo na ipatutupad bukas.
Ayon sa grupo ng PASANG MASDA, hihiling sila sa pamahalaan ng surge fee sa gitna ng inaasahang panibagong singil sa presyo ng langis.
Umaasa ang grupo na papayagan sila ng pamahalaan na makapaningil ng pisong dagdag-singil sa pamasahe tuwing rush hour.
Bukod kasi sa mataas na presyo ng langis, hindi pa rin makapaningil ang ibang mga tsuper dahil sa panibagong fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan, hindi sila maaaring mag-dagdag singil ng pasahe hangga’t wala pang panibagong taripa.
Sa pahayag ng mga tsuper, sinabi nila na nahihirapan silang makabawi sa kanilang kita dahil nakakain umano ang kanilang oras tuwing alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.
Samantala, iginiit naman ng grupo na kung papayagan ang kanilang hiling, hindi na sila aapela ng panibagong petisyon sa LTFRB.