Kinuwestyun ni Senate Agriculture and Food Committee chairperson Cynthia Villar ang P15.4 billion na inilaan ng Department of Agriculture para sa importasyon ng chemical fertilizer habang P1 billion lamang para sa composting.
Sa gitna ng pagtalakay sa panukalang budget ng kagawaran para sa taong 2023 na P163.8 billion, aminado si Villar na nagtataka siya kung anong mayroon sa importation bakit lagi itong gustong gawin ng D.A. na tinatawag na niyang Department of Importation.
Dapat tinuturuan anya ang mga magsasaka na mag-composting kung saan sila na mismo ang gagawa ng pataba pero ayaw turuan ng D.A. sa halip ay nag-i-import lagi ng chemical fertilizer na nagreresulta sa degradation o paghina ng kalidad ng lupa sa matagal na paggamit.
Iginiit ng Senador na kahit sa hybrid seedlings, nais ng kagawaran na mag-import nito kahit mas malaki ang gastos at kakaunting magsasaka ang makikinabang dahil mahal ang farm inputs na kailangan dito.
Mas dapat umanong pagtuunan ang inbred seeds o locally produced na punla ng palay para ang lokal at mas maraming magsasaka ang makikinabang.
Ipinunto ng mambabatas na mas dapat tulungan ang local farmers para lumaki naman ang kanilang kita at maging middle class o lower middle class. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)