Pinababantayan ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Agriculture ang apat na indibidwal na sangkot umano sa agricultural smuggling.
Tinukoy ni Tulfo sina Michael Yang, Andrew Chang, Lea Cruz at Manuel Tan na matagal na umanong sangkot sa pagpupuslit ng mga gulay sa bansa.
Ayon sa Senador, batay sa kanyang impormasyon ay may mga ‘kaibigan’ ang apat sa D.A. kaya’t malaya ang mga ito na makapag-smuggle ng mga gulay.
Tila nagka-dementia o amnesia na anya ang mga opisyal ng D.A. nang kanyang tanungin ang mga ito kung kilala ang apat.
Iginiit ni Tulfo na dapat bantayang mabuti ang shipment at consignees ng apat lalo’t magiging madalas na ang importasyon ng gulay ngayong malapit nang mag-Pasko.
Pinatitiyak din ni Senator Tulfo sa D.A. na hindi “moro-moro” ang kanilang operasyon lalo’t papalapit na Pasko at inaasahang daragsa pa ang smuggled vegetables sa bansa.
Siniguro naman ng Bureau of Plant Industry na patuloy nilang tututukan ang pangharang sa smuggled vegetables katuwang ang Bureau of Customs. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)