Sinimulan nang ibenta ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa kanilang mga tindahan ang mas murang presyo sa kada kilo ng asukal.
Kasunod ito ng pakikipag-usap ng Department of Agriculture (DA) sa (SRA) maging sa Kadiwa Rolling Stores at Kadiwa On Wheels kaugnay sa layuning mapababa ang halaga ng asukal sa mga pamilihan na magiging malaking tipid para sa mga consumer.
Una nang nagbenta ng tinatawag na “BBM Sugar” ang tanggapan ng SRA sa Quezon City at Bacolod kung saan, nasa 600 kilo ng asukal ang ibebenta para makatipid, mapagaan, at mas maging accessible sa mga nagnenegosyo ang 70 pesos hanggang 80 pesos na kada kilo ng asukal.
Ayon sa SRA, isa hanggang tatlong kilo lamang ang maaaring bilhin ng bawat customer para maiwasan ang hoarding ng mas murang asukal.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng ahensya na patuloy silang magbebenta hanggang bumaba ang presyo ng asukal sa mga pamilihan at kapag fully-operational na ang mga sugar millers sa bansa.