Inihayag ng partido ng mga manggagawa na halos 80 hanggang 100 piso ang ibinaba sa aktwal na halaga ng arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito ay mas mataas kaysa sa naging pagtaya ng Ibon Foundation kung saan lumalabas na nasa 500 piso mula sa 570 piso na lamang ang halaga ng daily minimum wage sa NCR.
Ayon kay Sonny Matula, Chairperson ng Nagkaisa Labor Coalition, malaki ang naging epekto ng 6.9% inflation rate nitong Setyembre.
Hindi rin aniya ito maganda para sa ekonomiya dahil kung walang pambili ay walang gagastusin ang mga manggagawa at hindi iikot ang ekonomiya.
Umapela rin ang grupo ng karagdagang 100 pisong sahod na posible aniyang maibigay sa pamamagitan ng stimulus funds.
Sa ilalim nito, pinag-lalaan ang pamahalaan ng isang bilyong pisong pondo na maaaring ipautang nang walang interes o gamiting subsidiya partikular sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na posibleng magamit para sa pagpapasweldo sa kanilang mga manggagawa at maisalba ang kanilang negosyo. —sa panulat ni Hannah Oledan