Napag-alaman na bumilis ang fixed broadband at mobile median download speeds sa bansa.
Sinasabing ito’y batay sa September Speedtest Global Index rankings ng Ookla.
Batay sa datos, naitala sa 78.69Mbps ang fixed broadband median speed noong Setyembre mula sa 78.33Mbps noong Agosto, habang ang mobile median speed ay umakyat sa 22.54Mbps mula sa 22.35Mbps.
Dahil nga rito, nasa pang-46 na ang Pilipinas sa 181 na bansa para sa fixed broadband at pang-85 mula sa 139 na bansa para sa mobile.
Nabatid na mula naman sa 50 Asian countries, pang-14 ang Pinas sa fixed broadband at pang-29 sa mobile habang sa Asia Pacific ay pang-12 ang bansa sa fixed broadband at pang-17 sa mobile mula sa 46 na mga bansa.
Hindi maitatanggi na ang patuloy na pagbuti ng internet speed sa bansa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na layong makapagbigay ng mabilis at reliable internet connectivity lalo na sa malalayong lugar.
Magugunitang pinangunahan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang paglulunsad ng internet connectivity sa tatlong malalayong barangay sa Zamboanga City bilang bahagi ng “BroadBand ng Masa (BBM)” program.
Samantala, sa pamamagitan ng satellite-based Starlink internet service ni Elon Musk, inaasahang bibilis pa ang internet sa bansa.
Sa kalagitnaan ng 2023, inaasahang magiging available na ito kung saan prayoridad na bigyan ng koneksyon ang isolated at disadvantaged areas.