Hawak na ng PNP ang passbook ng self-confessed gunman na si Joel Escorial kung saan kumpirmadong may nagdeposito sa bank account nito ng P550,000 bilang bayad sa pagpatay sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ayon kay Southern Police District Director, Brig. Gen. Kirby Kraft, nakasaad sa bank statements na nagkaroon ng limang deposit transactions mula September 15 hanggang October 4.
Batay sa Extra-Judicial Confession ni Escorial, kinontak siya ni Crisanto Villamor na bilanggo sa New Bilibid Prison at nagsilbing middleman sa pagpatay kay Mabasa noong September 15 upang ipaalam na naideposito na ang downpayment na P100,000 sa kanyang bank account.
Sinundan pa ito ng P100,000 kinabukasan, September 16 at nakita rin sa passbook na nagkaroon ng 20 withdrawal transactions na tig-P10,000 mula September 15 hanggang 29.
Noon namang October 4 o isang araw matapos paslangin si ka Percy, idineposito na ang balanseng P350,000 sa account ni Escorial habang P200,000 ang na-withdraw din noong araw na iyon.
Pinakahuling withdrawal naman ay noong October 11 na aabot sa P170,000.