Inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangang palakasin ang mandato ng Philippine National Oil Company (PNOC).
Aniya, ito ay dahil malaking tulong sa ating ekonomiya kung magkakaroon ng sarili nating mapagkukunan ng langis upang hindi na laging nakasalalay ang supply at presyo nito sa imported na produktomg petrolyo.
Ayon kay Gatchalian, hindi epektibo ang pagganap ng PNOC sa mandato nito na siguraduhin ang sapat na suplay ng mga produktong petrolyo sa bansa, tugunan ang ating mga pangangailangan sa langis at itaguyod ang exploration at pagpapaunlad ng mga lokal na mapagkukunan ng produkto.
Giit pa ng senador na wala sa ayos ang mga kumpanya at subsidiaries ng PNOC.
Halimbawa, ang PNOC Renewables Corp. ay nakapagtala ng 380 million pesos na pagkalugi mula noong 2013 habang ang PNOC-Exploration Corp. ay nabigong makapag-produce ng langis at gas, maliban sa malampaya gas field.
Kaya ayon kay Gatchalian, panahon na para magbigay ang Department of Energy (DOE) ng maayos na direksyon para maisaayos at epektibong magampanan ng PNOC ang kanilang mandato. – sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)