Nasa dalawampu katao na ang nagsilikas matapos malubog sa baha ang ilan pang lugar sa Negros Occidental bunsod ng malakas na ulang dala ng shearline at trough (trap) ng bagyong Paeng.
Kabilang sa mga apektado ng pagbaha ang mga residente ng mga bayan ng Binalbagan at Moises Padilla sa Negros Occidental.
Kinumpirma ni Provincial Disaster Management Program Division Head Dr. Zealhard Caelian na kasalukuyang tumutuloy ang mga apektadong residente sa mga paaralan.
Sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas sa mga lungsod ng San Carlos at La Carlota, maging sa bayan ng Pontevedra kahapon.
Samantala, kinumpirma ng San Carlos City Disaster Risk Reduction and Management Office na isang landslide ang naganap sa eco-translink highway, alas otso y medya kagabi.
Wala namang nasugatan pero naharangan ng debris ang kalsada na nagdurugtong sa nasabing lungsod at mga bayan ng Don Salvador Benedicto, Murcia at Bacolod City.